Wednesday, October 21, 2026 About Us Contact Us Archive Privacy Policy

ICYMI: Kabataan, ARBs, at ARBOs, panalo sa PelikulAgraryo 2026 ng DAR Ilocos Region

STA. MARIA, PANGASINAN — Bilang pagkilala sa marangal na trabaho (ubra) ng mga benepisyaryo ng repormang agraryo at obra maestra ng mga mag-aaral na manlilikha, isinagawa ng Department of Agrarian Reform ang “Ubra ken Obra: Aldaw ti Pammadayaw”, ang kulminasyon ng PelikulAgraryo 2026 Film Festival ng Rehiyon Uno, sa pangunguna ni DAR Secretary Conrado Estrella III at Regional Director Maria Ana Francisco, CESO III.

Sa kanyang talumpati sa mga mag-aaral, isinaad ni Secretary Estrella ang kahalagan ng kabataan sa kinabukasan ng hindi lamang ang sektor ng agrikultura, kundi ng buong Pilipinas: “Dapat makinig ang gobyerno sa mga estudyante na katulad niyo. Dapat makialam kayo sa ating gobyerno. Dapat makialam kayo sa ating bansa.”

Tampok sa selebrasyon ang 14 na maikling pelikula mula sa 9 na mataas na paaralan ng rehiyon – 9 mula sa kategoryang Agrarian Reform Beneficiary (ARB) at 5 mula sa kategoryang Agrarian Reform Beneficiary Organization (ARBO).

Nagwagi bilang Best ARB Film ang “47 Hectares Away” ng Mariano Marcos State University, na nakabase sa buhay ni Rufino Bacong, isang benepisyaryo ng Proyektong Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) ng Ilocos Norte.

Napanalunan rin ng grupo ang mga parangal na Best Cinematography, Best Screenplay, Best Editing, Best Teaser, at Best Director para kay Gniro Vinz Pablo.

Nakuha naman ng pelikulang “Bakasyon” ng Balitang DonMariano ng Don Mariano Marcos Memorial State University – South La Union Campus ang 2nd Best ARB Film, kasabay ang parangal na Best Actress para kay Ysha Mae Valdez na gumanap sa papel ni Maria Teresa Boado, isang ARB na nakatanggap ng scholarship mula sa DAR.

Iginawad naman ang 3rd Best ARB Film sa “Idi Simmungbat ti Lubong” ng Bagong Silang Productions mula sa University of Northern Philippines, kasabay ang parangal na Best Actor kay Ejenn Glenn Torda para sa kanyang pagganap bilang Pedro Laurente Jr, na naging Most Outstanding Male ARB ng Rehiyon Uno sa taong 2025.

Nanalo naman ng Best Poster ang “Tawir” ng Panpacific University, kasama ang Honorable Mention. Nabigyan rin ng Honorable Mention ang mga pelikulang “Sangol ken Aklo” at “Cancion ti Biag” mula sa Ilocos Sur Polytechnic State College (ISPSC) – Sta Maria Campus, “Tawir-Legacy” ng Pangasinan State University – Sta. Maria Campus, at “Alamat ng PunDAR” mula sa University of Northern Philippines.

Sa kategoryang ARBO, wagi bilang Best Film ang Timpuyog Productions ng Mariano Marcos State University sa kanilang obrang “Pasado”, na isinapelikula ang kwentong tagumpay ng Camguidan Multipurpose Cooperative. Napanalunan rin ng grupo ang Best Cinematography, Best Screenplay, Best Teaser, Best Actor para kay Christian James Garcia, Best Actress para kay Andrea Lheiye Cabinian, at Best Director para kay Joseph “Dodong” Ansino.

Nakuha naman ng pelikulang “Ti Baro a Namnama”, na base sa kwentong tagumpay ng Magandang Buhay Farmers Agrarian Reform Cooperative at likha ng Urdaneta City University ang 2nd Best ARBO Film, kasama ang Best Editing at Best Poster.

Sa pangatlong pwesto naman ang “Ina Ani” ng Northwestern University, na base sa kwentong tagumpay ng Bagnos Multipurpose Cooperative.

Iginawad ang Honorable Mentions sa “Pasnar ti Arapaap” ng Pangasinan State University – Sta. Maria Campus, at “Saplit ti Alsem” ng ISPSC – Sta. Maria Campus.

Sasabak ang “47 Hectares Away” at “Pasado” bilang kinatawan ng Rehiyon Uno sa nasyonal na entablado ng PelikulAgraryo 2026 na magaganap sa loob ng taon.

Ginanap ang araw na parangal sa Pangasinan State University – Sta. Maria Campus sa pamumuno ni University President Dr. Elbert Galas. Dumalo at nagbigay-suporta rin sa pagdiriwang sina DAR Undersecretary Lani De Leon ng Policy, Planning and Research Office, Assistant Secretary Jose Jenil Demorito ng External Affairs and Communications Operations Office, Asec. James Arsenio Ponce ng Support Services Office, at mga third-level na opisyal ng DAR Ilocos Region

Leave a Comment